Disyembre 17, 2024 | Humigit-kumulang 200 estudyante mula sa Aurora A. Quezon Elementary School (AAQES) sa San Andres St., Malate, Manila ang tumanggap ng maagang regalo para sa Pasko mula sa DA-Bureau of Plant Industry (DA-BPI) sa pakikipagtulungan ng pamunuan ng paaralan.
Taos pusong nagpasalamat si Agustin P. Baldicañas, Principal IV ng AAQES sa BPI sa pagbibigay ng kasiyahan sa mga mag aaral ng AAQES. “Hindi ninyo sinarili itong ganitong biyaya, bagkus handa kayong ibigay ang mga pagpapalang ito sa ating mga estudyante. Maraming salamat din sa mga magulang na narito, na siyang nagsusubaybay, tumutulong sa kaayusan at kalinisan,” sabi niya.
Ang pamamahagi ng mga regalo ay pinangunahan ni BPI Director Dr. Gerald Glenn F. Panganiban, kasama sina Assistant Director Dr. Herminigilda A. Gabertan at Ruel C. Gesmundo, at mga opisyal at empleyado ng kawanihan.
Sa isang maikling mensahe, hinikayat ni Director Panganiban ang mga estudyante na kumain ng gulay upang maging malusog at malakas ang kanilang pangangatawan.
Maliban sa mga regalo at palaro ay namigay din ng libreng buto ng gulay ang opisina.
Ang gift-giving initiative na ito ng DA-BPI ay may temang “Pagibig sa Pasko, pagasa sa pagbangon at pagbabago”.
Maligayang Pasko 

(121724-26)