Tampok ang inaabangang P20 kada kilo ng bigas sa Kadiwa ng Pangulo (KNP) sa Bureau of Plant Industry (DA-BPI) ngayong araw kung saan halos 300 na katao ang pumila upang makabili ng bigas.
Lubos na natuwa ang mga benepisyaryo ng P20 na kabilang sa vulnerable sectors kagaya ng mga senior citizens, persons with disabilities (PWDs), solo parents, at 4Ps members. Tinatayang nasa 30 sako ng bigas ang naibenta sa unang araw.
Samantala, nananatiling patok din sa iba pang mamimili ang P35 kada kilo ng bigas sa ilalim naman ng Rice-for-All Program.
Upang masiguro ang kalidad at kaligtasan ng bigas, nagsagawa ng Pesticide Residue at Chemical Contaminants Analysis ang Plant Product Safety Services Division (PPSSD) ng BPI.
Matapos unang ilunsad ang P20 kada kilo na bigas sa Cebu noong Mayo 1, opisyal na ring inilunsad ang Kadiwa ng Pangulo (KNP) sa Metro Manila sa isang munting salu-salo na ginanap sa Bureau of Animal Industry (BAI) sa Visayas Avenue, Quezon City. Na kung saan ito ay dinaluhan nina Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco “Kiko” Tiu Laurel Jr. , mga opisyal at katuwang mula sa Food Terminal Inc. at iba pang ahensyang sumusuporta sa inisyatiba.
Ayon sa datos ng May 13, mayroon nang 32 Kadiwa sites na nag-aalok ng P20 kada kilo ng bigas, kabilang na rito ang mga lugar sa Metro Manila at iba’t ibang probinsya sa Luzon. Patuloy na pinalalawak ang programa upang mas marami pang Pilipino, lalo na ang mga kabilang sa vulnerable sectors, ang makinabang sa abot-kayang bigas.
Ang Kadiwa ng Pangulo P20 Rice Project ay bahagi ng adhikain ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang abot-kayang bigas para sa bawat Pilipino. Sa ilalim ng kanyang direktiba, mas pinagtitibay ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang pagtutok sa food accessibility at ang suporta sa lokal na produksyon. Ang ganitong inisyatiba ay nakapagbibigay ng ginhawa sa mamamayang Pilipino habang binibigyan ng halaga at inspirasyon ang mga magsasaka.
Ang P20 at RFA ay mabibili sa KNP tuwing Huwebes hanggang Sabado simula alas 8:00 ng umaga hanggang alas 4:00 ng hapon.
Para sa schedule ng Kadiwa at availability ng P20 sa ibat-ibang lugar, sundan po lamang ang page na ito: https://www.facebook.com/AGRI.KADIWA.
#ParaSaMasaganangBagongPilipinas
#BagongPilipinas
(051525-23)